Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na panatilihing malinis at maayos ang mga sementeryo bilang bahagi ng paghahanda sa All Saints’ Day at All Souls’ Day sa November 1 at 2.
Nanawagan si MMDA General Manager Jojo Garcia sa publiko na gawing malinis ang mga sementeryo 2 linggo bago ang undas.
Ipinaubaya naman ng MMDA sa mga lokal na pamahalaan ang paglilinis sa loob ng mga sementeryo sa Metro Manila.
Bilang paghahanda sa Undas, nakabantay ang MMDA sa mga pangunahing sementeryo kabilang ang Manila North Cemetery sa Maynila; Manila South Cemetery sa Makati City; Loyola Memorial Park sa Marikina City; Bagbag Public Cemetery sa Quezon City at Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Sa ngayon ay may clearing operations na ang Task Force Special Operations ng ahensya sa mga kalsada papunta sa mga sementeryo para mawala ang mga obstruction.
Sa activation ng “Oplan Undas 2018” sa October 27, mahigit 2,000 MMDA traffic personnel ang itatalaga sa mga kritikal na lugar para mag-ayos ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan at traffic-prone areas sa Metro Manila.
Dagdag ni Garcia, nagdeklara si MMDA Chairman Danilo Lim ng “No Dayoff, No Absent” policy sa kanilang traffic personnel mula October 27 hanggang November 3.