Alab Pilipinas umaasang makukuha ang back-to-back championship sa ABL

Sa kasaysayan ng ASEAN Basketball League ay wala pang koponan na nakapag-uuwi ng back-to-back championship.

Gayunman, umaasa ang San Miguel Alab Pilipinas na makagagawa sila ng kasaysayan at madedepensahan ang kampeonato sa nalalapit na pagbubukas ng 2018-2019 ABL Season.

Ngunit ayon sa head coach ng koponan na si Jimmy Alapag, bagaman target nilang muling mag-kampeon sa ABL ay nais niyang mag-focus muna ang mga miyembro ng kanyang koponan sa pang-araw-araw na improvement.

Aniya pa, sa ngayon ay goal muna nulang makaabot sa finals ng torneo kaya naman hindi muna masyadong malayo ang kanilang pagtingin sa mga mangyayari.

Lahat ng mga core players ng Alab mula sa championship ay magbabalik sa koponan, liban kay Justin Brownlee. Kabilang dito sina Ray Parks, Renaldo Balkman, Pamboy Raymundo, Josh Urbiztondo, Lawrence Domingo, Paolo Javelona, Rob Celiz, Oping Sumalinog, JR Alabanza, PJ Ramos, Caelan Tiongson, Brandon Rosser, Ethan Alvano, at Prince Rivero.

Samantala, kung kinakailangang magstepup ng bawat isang miyembro ng Alab ay nagkaroon din ng dagdag pwersa sa kanilang coaching team. Ito ay matapos ianunsyo na makakasama ni Alapag bilang assistant coach ang mga beteranong PBA players na sina Eric Menk at Danny Seigle. Makakasama pa rin nila si Mac Cuan bilang assistant coach.

Magaganap ang unang laban ng Alab para sa ABL sa Sta. Rosa Multipurpose Complex sa December 9 kung saan makakatapat nila ang CLS Knights Indonesia.

Read more...