PNP at AFP nananatiling non-partisan

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatiling neutral ang kanilang hanay para sa isasagawang 2019 mid-term elections.

Matapos ang isinagawang Joint Peace and Security Coordinating Committee (JPSCC) meeting sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde na upang mapanatili ang pagiging non-partisan ay nagsagawa sila ng balasahan sa loob ng pulisya mula sa lokal na police station hanggang sa provincial level.

Pinaalalahanan pa ni Albayalde ang mga pulis sa mga limitasyon ng pagbibigay seguridad sa mga lugar na mayroong tensyon sa panahon ng halalan.

Kabilang aniya sa mga bawal gawin ng mga pulis ang pagdadala ng ballot boxes at iba pang election paraphernalia dahil ang mga election officers lamang ang may karapatang gawin ito, liban na lamang kung ang Commission on Election (COMELEC) ang mismong mag-isyu ng request para rito.

Ayon naman kay AFP Chief of Staff, General Carlito Galvez Jr., mahigpit na pinagbabawalan ang lahat ng miyembro ng militar na magpahayag ng suporta sa sinumang kandidato.

Samantala, sinabi ni Galvez na hanggang sa ngayon ay ang mga pribadong armadong grupo at mga gun-for-hire syndicates ang pinakamalaking banta sa seguridad ng halalan.

Read more...