Ayon kay Quezon City Bureau of Fire Protection (QC-BFP) arson investigator, Fire Inspector Rosendo Cabillan, naireport ang sunog na sumiklab sa bahay ni Jethro Cariño bandang alas-2:10 ng madaling araw. Agad na itinaas sa ikalawang alarma ang sunog pagdating ng alas-2:13 ng madaling araw dahil gawa sa mga light materials ang bahay sa lugar.
Ani Cabillan, mga informal settlers ang nakatira dito.
Makalipas ang halos 40 minuto, bandang alas-2:53 ng madaling araw, ay naapula na ang sunog.
Maswerte namang walang nasugatan sa insidente, bagaman 45 pamilya ang nawalan ng tirahan, ngunit pansamantalang manunuluyan sa Soliven basketball court.
Ayon sa mga residente, natutulog na sila nang makarinig ang isa nilang kapit-bahay na sumisigaw. Doon na aniya nila napansin ang sunog.
Tinatayang 20 mga bahay ang nawasak dulot ng apoy, kung saan P300,000 ang kabuuang halaga ng ari-ariang naabo.
Samantala, dahil sa firewall ng Litex Market ay hindi nadamay ang palengke sa pagliliyab.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga bumbero tungkol sa pinagsimulan ng sunog, bagaman isa sa kanilang tinitingnang sanhi ang overloaded o grounded na linya ng kuryente.
WATCH: