Sa kanilang liham sa Office Of the Ombudsman na may petsang October 4,2018, ipinunto ng mga dati at kasalukuyang konsehal ng Mandaue City na inilihim sa kanila ng dating Alkalde na si Jonas Cortes ang mahahalagang impormasyon hinggil sa palugi umano na bentahan ng naturang reclaimed land.
Ayon sa mga konsehal na sina Elstone Dabon, Benjamin Basiga at Jefferson Ceniza, huli na nang malaman nila na wala palang rekord na nagkaklasipika sa nabanggit na lupain bilang “alienable at disposable “ para ibenta.
“This was a very shocking and disturbing discovery on our part since, granting that the promise to sell was a correct basis to sell the property, it even clearly said that it can only be sold when the property was reclassified as alienable and disposable” saad ng mga ito sa kanilang sulat kay Ombudsman Samuel Martires.
Giit pa ng mga ito, ang tanging pinag-basehan nila ay ang legal opinion na nagsasaad na ang transaksiyon ay regular at nakatugon sa umiiral na mga panuntunan ng batas at reglamento.
Ayon pa sa kanila, marahil ay hindi na sila bumoto pabor sa Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 13-632-2015 kung naipormahan lamang sila na wala palang record na nagsasabing ang naturang property ay naklasipika bilang alienable at disposable o maaring tirahan at ibenta.
Ang masaklap pa ayon sa mga konsehal ay hindi man lamang nabanggit sa Committee report na kanilang nilagdaan na ang naging batayan ni Cortes para ibenta ang naturang lupain base sa ipinaskil nito sa kanyang Facebook page noong August 22,2018 ay ang DENR Administrative Order 99-34.
“We were surprised why he mentioned this in Facebook page when this was never taken up or discussed,” ayon pa sa kanila.
Bilang pagpapakita ng good faith, pinangunahan nina Dabon at Basiga ang pagpasa ng isang resolusyon noong Sept. 19, 2018 na nag-aatas sa City legal office na repasuhin ang naturang bentahan at alamin kung ang transaksiyon ba ay regular at bentahe sa lungsod at nagrekumenda ng nararapat na aksiyon hinggil sa nangyaring bentahan.
Si Cortes na kasalukuyang kinatawan ng ika-6 na distrito ng Mandaue ay nahaharap sa plunder charges dahil sa disadvantageous sale ng 3.5 hectare land, na ang halaga ngayon ay tinatayang nasa P12,000 per square meter o P429.8 Million kung ikukumpara sa P50 per square meter lamang na dating halaga na bentahan.
Noong 2015, inaprubahan ng noo’y alkalde na si Cortes ang pagbebenta ng property sa Ecodemcor batay sa promise to sell na pinasok ng dating alkalde na si Thadeo Ouano at ng lessee Ernesto na si Ouano Sr. noong 2001.