Ilang employer hinatulang makulong dahil sa non-remmitance ng SSS contributions
Mahigit P1.39 Million na halaga ng hindi nabayarang kontribusyon at penalty ang kukunin ng Social Security System (SSS) sa dalawang employer.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, na-convict ng dalawang branch ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) sina Luz Espiritu mula sa Espiritu Petron Service Station at Rosita Agustin mula sa Ruther Fish Dealer dahil sa non-remittance ng SSS contributions.
Malinaw aniya na paglabag ito sa Republic Act 8282 o Social Security Act of 1997.
Sa kabila ng binigay na palugit, hindi pa rin aniya ginawa ng mga employer ang kanilang tungkulin sa mga empleyado.
Dahil dito, hinatulan ng QC RTC Branch 100 si Espiritu ng pito hanggang 10 taong pagkakakulong.
Kinakailangan rin nitong bayaran ang unremitted contributions mula October 1989 hanggang November 2014 na nagkakahalaga ng P289,372.16.
As of October 2017, lumobo ang financial liability ni Espiritu sa P1.25 Million base sa Statement of Account Details ng SSS.
Imbes na ayusin ang kaso, sinabi ni Dooc na nanatiling tikom ang bibig ni Espiritu at hindi dumalo sa mga pagdinig sa korte.
Samantala, hinatulan naman ng Quezon City RTC Branch 96 si Agustin ng anim na taon at isang araw hanggang pitong taon na pagkakakulong.
Pinagbabayad din si Agustin ng kabuuang contribution delinquency mula May, 2000 hanggang August, 2011 na nagkakahalaga ng P140,880 at multang P10,000.
Sa desisyon ng korte, napatunayan ng isang Francisco Coronel na hindi nakapag-remit si Agustin ng kaniyang SSS premiums.
Muli namang nagpaalala ang SSS sa lahat ng employer na huwag talikuran ang obligasyon sa kanilang mga empleyado pagdating sa pagbabayad ng monthly contributions at loan amortization sa SSS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.