P300M gastos para manalo ang kandidatong senador? sa “Wag kang pikon!” ni Jake J. Maderazo

Umarangkada na ang paghaharap ng “certificate of candidacies” ng mga gustong maging Senador sa Mayo 2019. Dalawamput pito noong Huwebes at sampu noong Biyernes sa kabuuang 37. Yung hindi pa nakakapagsumite ng kandidatura ay meron na lamang tatlong araw hanggang Miyerkules , Oct. 17.

Sina Senador Koko Pimentel, Nancy Binay, dating PNP chief Bato de la Rosa pa lamang ang mga prominente sa unang 37, pero nandoon din sina dating Congressman Neri Colmenares ng Makabayan, Presidential adviser Danilo Roleda ng UNA, Atty. Larry Gadon ng KBL, Samira Gutoc Tomawis ng Liberal Party at Singer Freddie Aguilar ng PDP-LABAN kuno, pero opisyal namang tinanggihan ng naturang partido. Inaasahang dadami pa sila at kung babasehan ang 2016 elections, nagkaroon ng 50 opisyal na kandidato sa pagka-senador na 12 lamang ang sinwerte.

Lumabas din ang survey ng SWS noong Sept. 15-23, at nanguna sina Cynthia Villlar, Grace Poe, Pia Cayetano, Koko Pimentel, Lito Lapid, Jinggoy Estrada, Mar Roxas, Nancy Binay, Sonny Angara,, Bato de la Rosa, Serge Osmeña, at Imee Marcos para sa top 12. Nasa number 13 pababa sina Bam Aquino, JV Ejercito, Francis Tolentino at Bong Go. Naroon din sina Agot Isidro, Harry Roque at nasibak na si CJ Maria Lourdes Sereno.

Marami pang mangyayari, lalot anim na buwan pa bago ang May 2019 . Pero, bakit ba ang daming gustong mag-senador? Serbisyo publiko ba ito o pansarili lamang?

Naalala ko tuloy ang matapang na yumaong si Senator Miriam Defensor Santiago. Ayon sa kanya, ang “basic salary” ng senador ay P90,000 lamang bawat buwan, pero kung idaragdag ang iba pang “lehitimong” allowances at honoraria, ito’y aabot ng P1.4M sa bawat buwan. (Sa anim na taong termino ng senador o 72 buwan, aabot ang legal na sweldo niya sa P100.8M).

Pero, meron pa siyang ibang sekretong “sources” tulad ng Maintenance and operating expenses (MOOE) ng kanyang opisina . Nandito ang mga “consultants”, ‘satellite offices’ at iba pa. Noong 2012, ang MOOE ng mga senador ay P430M, naging P566M noong 2016, P653M noong 2017 at P659M ngayong 2018.

May iba pang income sa bawat chairmanship ng “committees” (ang alam ko P1M bawat buwan ang kanilang allowance), miyembro ng Commission on appointments, miyembro ng Electoral Tribunals, Judicial and Bar council, at iba pang “oversight committees”. Kung nasa “majority” ka, at dalawa o tatlo ang iyong komite, aba’y kumikita ka ng mga P2-3M bawat buwan iyan.

May mga “pet projects” siya sa “line item allocations” sa taunang badyet. Ito ang kanyang “pork barrel” depende kung malakas siya na hindi bababa sa P200M ang alokasyon. Isipin niyo, P200M bawat taon sa loob ng 6 taon, aba’y tumataginting na P1.2B yan, 10% commission na lang, hindi ba’t P120M yan.

Sa kabuuan, masasabing aabot nga sa higit P300M ang posibleng kitain ng senador sa anim na taong “serbisyo”. Hindi pa kasama ang mga “congressional franchises” at ang kapangyarihang makialam sa alinmang konrata ng gobyerno anumang oras.

Idagdag ang impluwensya at kasikatan, magtataka pa ba kayo kung bakit namumuhunan ang mga kandidato ng hindi bababa sa P300M para manalong Senador sa Mayo 2019?

Read more...