Hindi sang-ayon si dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, principal author ng ammunition law, sa basta-bastang pag-amyenda sa mga kaukulang parusa sa mga mahuhulihan ng bala, kahit pa ngayong kasagsagan ng mga naglilitawang kaso ng “tanim-bala”sa mga paliparan.
Para kay Lacson, mahalagang intindihin ng maigi ang konteksto ng pangungumpiska ng bala.
Aniya, maaring ang iisang balang nakuha mula sa bulsa o bag ng isang taong minsan nang naakusahan ng pagiging mamamatay tao, ay di hamak na mas delikado sa isang kahong reloaded na mga bala mula sa isang gun enthusiast at shooter lamang.
Dagdag pa niya, hindi rin nito mapipigil ang mga tauhan at opisyal sa pangingikil dahil maari naman nilang dagdagan pa ang mga balang itatanim sa mga gamit ng mga pasahero kung gusto talaga nilang palabasin na may kasalanan ang mga ito.
Wala namang problema kay Muntinlupa Rep. Rodolfo “Pong” Biazon, principal author ng batas sa Kamara, sa muling pagsisiyasat sa batas.
Ngunit, ipinaalala ni Biazon na kaya may ganoong batas ay dahil ang bala ay bala, at kahit na isa lang ang bala, ay kaya pa rin nitong makapatay.
Samantala, dahil sa maraming kaso ng nahuhulihan ng mga balang nagsisilbing anting-anting sa may hawak nito, ipinaliwanag ni Sen. Ralph Recto na hindi naman ito ipinagbabawal sa batas.
Ayon kasi sa Comprehensive Firearms and Ammunition Act, tanging ang “live bullets” lamang ang ipinagbabawal, at hindi ang mga anting-anting na wala namang laman.
Para kasi maging live bullet ang isang bala, kailangan kumpleto ang apat na komposisyon nito – ang bullet, gunpowder, cartridge case at primer.
Kaya naman kung wala namang laman na pulbura ang balang makukuha, lalo na kung ginawa na itong aksesorya tulad ng kwintas, keychain o iyong mga anting-anting, hindi na ito labag sa batas.
Ani Recto, kung halata naman na hindi live bullet ang dala ng pasahero, mas mabuti pa na huwag nang patagalin pa ng mga otoridad ang pagkakaantala nito at patuluyin na lamang sa kaniyang biyahe.