Personal posts sa social media hindi kasama sa campaign ad limits ng Comelec

Inquirer file photo

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi saklaw ng advertising regulation para sa mga kandidato ang social media.

Gayunman tututukan umano nila ang mga sponsored at “boosted” post na nagtutulak sa kampanya ng isang partikular na kandidato o partido pulitikal.

Ipinaliwanag ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi kasama sa kasaniwang pinapatawan ng campaign ad limits ang social media.

Pero ibang usapan na raw kapag paid posts ang ginamit ng mga kandidato tulad na lamang ng pagbabayad ng P200 para dumami ang makakakita sa isang partikular na social media posts tulad ng ginagamit sa Facebook.

Ang mga boosted at sponsored posts ay papatawan ng karampatang limitasyon na siyang isinasapinal ngayon ng komisyon.

Idinagdag pa ni Jimenez na ang mag personal na opinyon sa social media ay isang uri ng freedom of expression na ginagarantiyahan ng Saligang Batas basta’t walang nilalabag na batas ang mga ito.

Ang campaign period para sa mga tumatakbong senador at kinatawan ng mga partylist groups ay magsisimula sa February 12 hanggang sa May 11 2019.

Para naman sa mga local candidates kasama na ang mga kandidato sa pagka-kongresista ang panahon ng kanilang kampanya ay mula March 30 hanggang May 11, 2019.

Magpapatupad naman ang Comelec ng campaign ban sa March 28 hanggang 29 dahil sa Mahal na Araw.

Read more...