152 establishmento binigyan ng permit para sa pagbubukas ng Boracay
Umaabot sa 152 mga establisimento ang pinayagan na muling mag-operate sa pagbubukas muli ng isla ng Boracay sa October 26.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), sumunod sa kanilang regulasyon ang nasabing mga business establishment.
Kinumpirma ni DENR Undersecretary Jonas Leones na matapos alisin ang suspensyon ng Environment Compliance Certificate (ECC) ng mga ito, maaari na silang magbukas sa October 15 kasabay ng dry run sa pagbubukas ng Boracay.
Ipinaliwanag pa ni Leones na sa pamamagitan ng dry run magkakaroon sila ng pagkakataon na subukan ang mga pasilidad sa isla at magkaroon ng pagkakataon para mapabuti pa ang mga ito bago ang pormal na pagbubukas sa October 26.
Masusi ding imo-monitor ang pagpasok ng mga tao at paglimita sa mga turistang magtutungo sa lugar.
Nauna nang binigyan ng “go signal to operate” ng Department of Tourism (DOT) ang nasa 68 establisimento.
Kaugnay nito, sinabi ng DENR na isang bagong Boracay ang makikita ng mga turista na may malawak na beach front, maayos na kalsada at maaliwalas na walkway.
Magpapatuloy naman ang monitoring sa mga business establishment at sisiguruhin na tumutupad ang mga ito sa regulasyon.
Ang Boracay Island ay isinara noong April 26 para isailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.