Bago pa man sumikat ang tanim-bala scam, mayroon nang sindikatong nambibiktima at nanghaharass ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport para mangikil.
Hindi lang basta idinadaan sa paglalagay ng bala sa bagahe ang kanilang diskarte, dahil mas matagal nang namamayagpag sa mga paliparan ang pangku-kwestyon sa mga dokumento ng mga biyahero kahit pa wala naman itong nilalabag na batas.
Madalas na tinatarget ng sindikato sa NAIA ang mga pasaherong matatanda at iyong mga mukhang madaling maloko.
Ipinaliwanag ng source mula sa National Bureau of Investigation na tumangging ilabas ang kaniyang pagkakakilanlan, kung paano ito ginagawa ng mga magkakasabwat na tauhan ng paliparan mula sa iba’t ibang ahensya base sa kanilang mga paunang imbestigasyon.
Ang sindikato ay kadalasang kinasasangkutan ng mga porters, immigration personnel, airport police, X-ray scanners at baggage inspectors.
Sa una ay tutukuyin ng mga porters kung sino ang pasaherong posibleng biktimahin at minsan, sila na rin ang naglalagay ng anumang ebidensya na maaaring mag-diin sa pasaherong walang kaalam-alam na mayroon siyang nilalabag na batas. Kapag nagawa na nila ito ay saka nila titimbrehan ang kanilang mga kakuntyaba sa security at immigration services.
Aniya, wala namang kapangyarihan ang mga baggage inspectors at mga tauhan ng Department of Transportation and Communication-Office of Transportation Security (DOTC-OTS) na mang-aresto ng sinuman, kaya kailangan pa rin nila itong ipasa sa mga Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-Avsegroup).
Karamihan sa kanilang mga nabiktima ay ang mga matatandang nerbyoso, o kaya mga OFW na madaling lokohin lalo na iyong mga walang kasama.
Hinaharass nila ang mga pasahero sa pamamagitan ng paghingi ng kung anu-anong mga dokumento para lang maantala ang pasaherong nagmamadali nang mag-board sa kaniyang flight.
Ang pakay lang talaga nila ay ang i-antala ang pasahero, at mula sa puntong iyon, dun na sila tatanggap ng kahit ano mula sa pasahero para umano ay pagbigyan na lamang na makaalis.
Bilang pag-aksyon sa problemang ito, nakabuo na rin ng special task force ang NBI alinsunod sa utos ni Justice Sec. Benjamin Caguioa at binigyan lamang sila ng 15 araw para magbigay ng reports.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.