Taxi na nadawit sa tanim bala incident, tatanggalan ng prangkisa
Hindi pa man napapatunayang sangkot sa tanim bala scam, aalisan na ng prangkisa ng Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB ang taxi na nadawit sa naturang scam.
Ito’y makaraang maungkat sa pagdinig ng LTFRB na may pekeng pirma ang mga dokumentong isinumite ng operator ng taxi sa ahensya.
Una nang ipinatawag ng board ang driver ng taxi na may plakang UVK 190 na si Ricky Milagrosa dahil sa facebook post ng isang Julius Neil Habana na nagsasabing tinangkang taniman ng bala ng driver ang isa nitong kaibigang seaman.
Nangyari umano ang insidente habang nagpapahatid sa taxi ni Milagrosa ang kaibigan ni Habana sa NAIA.
Sa naturang pagdinig, itinanggi ng driver na si Milagrosa na tinangka niyang taniman ng bala ang kaibigan ni Habana na hindi naman nagpakita sa hearing.
Gayunman, nang busisiin ang mga dokumento ng prangkisa ng taxi, lumitaw na pineke ang pirma ng orihinal na operator nito na nasa ilalim ng pangalang Gilbert Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na naibenta na niya ang prangkisa sa isang Romeo Marcial na ibinenta naman nitong muli sa isang Vivencio Torcuator.
Ngunit sa application for the extension of franchise, lumitaw na si Mendoza pa rin ang nakapirma kahit matagal na itong naibenta kay Torcuator.
Dahil dito, inirekomenda ng board sa legal division ng LTFRB na kanselahin na ang prangkisa ng naturang taxi.
Samantala, muli namang nagpatawag ng hearing sa tanim bala incident ang LTFRB sa November 10.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.