Ayon kay DILG acting secretary Eduardo Año, naging epektibo ang FOI sa national level kaya napapanahon na ring ipatupad sa local government units o LGUs.
Ito’y upang magkaroon ng access ang publiko sa mga impormasyon mula sa operasyon ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Nag-isyu na ang DILG, kasama ang Presidential Communications Operations Office o PCOO, ng joint memorandum circular para magpatupad ang LGUs ng FOI policy.
Ang kailangan ay magpatibay o magpasa ng mga ordinansa o executive order ang alkalde para magkaroon na ng FOI.
Kumpiyansa naman si Año na magiging transparent ang mga LGU at mas mapapalakas ang kampanya laban sa anumang uri ng katiwalian.
Aniya pa, kung makakatuwang ng national government ang LGUs ay mahahadlangan ang kurapsyon, na talamak din sa local level.