Mga “unique candidates” dumagsa sa unang araw ng filing ng COC sa COMELEC

Naging maayos ang unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa national position sa halalan sa 2019.

Maagang dumating sa Commission on Election (COMELEC) si Senador Koko Pimentel na tatakbo sa ikatlong termino.

Full force naman ang mga supporters ng singer-songwriter na si Freddie Aguilar at Neri Colmenares.

Hindi rin nagpahuli ang mga kumakandidato na kung ituring ay may “unique identity.”

Umagaw pa sa atensiyon ng mga mamamahayag ang nagpakilalang ex-boyfriend umano ni Mocha Uson na si Angun Tuana na nagpakitang-gilas pa sa pamamagitan ng breakdance.

Naghain din sa unang araw ng pagsusumite ng sertipiko de kandidatura ang herbalists at dating Department of Health (DOH) consultant na si Dr. Willie Ong, Daniel Magtira, Dionisio Manalo, Christian Castro, King Salam Tagean, Mel Chavez, Ibrahim Albani, Abner Afuang, Lubel Delacruz, Samira Gotoc-Tomawis at apat na iba pa.

Samantala, nilinaw naman ni spokesman James Jimenez na hindi ipinagbabawal ang pagdaraos ng mga aktibidad at programa sa labas ng COMELEC basta hindi ito makaka-apekto sa paghahain ng sertipiko ng mga kandidato at magdudulot ng gulo.

Nakapaghain na rin ng kanilang CONA (Certificate of Nomination and Accreditation) ang ilang partylist groups.

Bantay-sarado ng mga pulis mula sa Manila Police District (MPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang bisinidad ng Palacio del Gobernador kung saan naroon ang COMELEC.

Read more...