Pangulong Duterte naguguluhan na sa plano ni Sec. Roque sa 2019 elections

Tila hilo na si Pangulong Rodrigo Duterte sa urong-sulong na planong pagtakbo ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa 2019 elections.

Sa pulong balitaan sa kanyang pagdating sa Davao International Airport matapos ang pagdalo sa ASEAN Leaders’ Gathering sa Bali, Indonesia, sinabi ng pangulo na muli niyang kakausapin ang kanyang tagapagsalita para sa plano nito sa halalan.

Ayon kay Duterte, makailang beses nang nagsabi si Roque na tatakbo ngunit binabawi nito at nagsasabing tatakbo ulit.

At nang tanungin ni Duterte si Special Assistant to the President Bong Go ay sinabi nitong mukhang hindi na naman tatakbo si Roque.

“Kinabukasan sinabi niya (Roque) hindi siya tatakbo. Kinabukasan sinabi niya tatakbo na naman siya. Kanina sabi ni Bong mukhang ‘di tatakbo,” ani Duterte.

Ayon sa pangulo, mabuti pa na abutin ng 2021 ang ginagawang pagninilay ni Roque para isapinal nito ang desisyon sa pagtakbo.

Kamakailan ay sinabi ni Duterte na mas kailangan niya ito sa administrasyon at inihayag na hindi ito mananalo sa pagkasenador.

Dahil sa sinabing planong pagtakbo ni Roque ay agad umanong naisip ng pangulo na gawing bagong presidential spokesperson si Salvador Panelo.

“Sabi niya mag-takbo siya ng Senador. Sabi ko sige. Automatic naisip na ako na Sal, ikaw muna,” giit ng presidente.

Ayon sa pangulo, magiging epektibong tagapagsalita si Panelo.

Gayunman, iginiit ni Duterte na pansamantala lamang ang pagiging spokesperson nito dahil siya rin ang Chief Presidential Legal Adviser.

Nauna nang kinumpirma ni Panelo na siya ang susunod na tagapagsalita ng pangulo.

Giit nito, wala namang pagbabago dahil simula pa lamang ng kampanya ni Duterte hanggang sa iluklok ito sa pwesto ay siya na ang spokesperson nito.

Read more...