17 katao arestado sa magkakahiwalay na buy bust operation sa Quezon City
Nakakulong ngayon ang 17 mga drug suspek matapos magkasa ng magkakahiwalay na operasyon ang mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD).
Unang naaresto ang siyam katao sa isinagawang buy bust operation ng QCPD Station 6 sa Barangay Old Balara.
Pangunahing target ng operasyon ang pusher na si Renato Bolo, 33 taong gulang. Ngunit inaresto rin ng mga otoridad ang walong iba pa nitong kasamahan na sangkot din sa iligal na droga.
Narekober mula sa kanila ang 12 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu.
Sunod namang naaresto ng kaparehong himpilan ng mga pulis ang dalawang babae na pawang mga tulak din ng droga sa Barangay Payatas B.
Nasamsam mula sa mga ito ang apat na piraso ng sachet ng shabu.
Samantala, sa ikinasa namang One Time, Bigtime operation ng QCPD Station 7 ay naaresto ang anim na kalalakihan na sangkot din sa ipinagbabawal na gamot.
Naaresto ang mga ito sa ilalim ng Granada Bridge sa Barangay Valencia, Cubao.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu, isang bukas na plastic sachet na mayroong bakas ng shabu, at mga drug paraphernalia.
Lahat ng 17 katao ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.