Pinagdadampot ng mga kawani ng Manila Social Welfare Department sa pakikipagtulungan sa Manila Department of Public Service at elementro ng Manila Police District (MPD) ang nasa 55 mga street dwellers sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Kabilang sa mga dinampot ang mga bata at senior citizen na nakitang natutulog at namamalimos sa mga kalsada ng Maynila.
Partikular na kinuha ang mga street dwellers na nakita sa Quiapo, Hermosa Street sa Tondo, Sta. Cruz, Abad Santos, Blumentritt, R. Papa at iba pang bahagi ng lungsod.
Kinuha rin ng mga otoridad ang mga kariton na tinutulugan ng mga street dwellers.
Ayon sa Manila Social Welfare Department, dadalhin ang mga dinampot na street dwellers sa Recreation Action Center kung saan sila pansamantalang manunuluyan.
Aalamin din aniya nila kung mayroon bang mga kamag-anak ang street dwellers na posibleng kumupkop sa mga ito.