Pinakabatang bilyonaryo sa Africa dinukot
Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang pinakabatang bilyonaryo ng Africa sa Dar es Salaam, Tanzania.
Ayon sa mga otoridad, papasok ng gym sa isang hotel si Mohammed Dewji nang ito ay dukutin.
Si Dewji ay ang pinuno ng MeTL Group na nag-ooperate sa 10 mga bansa. Partikular na interes ng kumpanya ang sektor ng agrikultura, transportasyon, logistics, at pagkain.
Ayon kay Dar es Salaam police chief Lazaro Mambosasa, posibleng mga dayuhan ang nasa likod ng pandurukot.
Aniya, nagpaputok pa muna ang mga salarin bago isinakay si Dewji sa kanilang getaway vehicle.
Ayon naman kay regional governor Paul Makonda ikinagulat nila ang nangyari dahil hindi naman ito madalas nagaganap sa lugar.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad at pagtugis sa mga suspek.
Batay sa Forbes list, si Dewji ang ika-17 sa mga bilyonaryo ng Africa. Mayroon siyang net worth na USD 1.5 bilyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.