Muling tiniyak ng Estados Unidos ang kanilang suporta sa Pilipinas sa gitna pa rin ng agawan sa teritoryo sa bahagi ng West Philippine Sea.
Nagkaroon ng pagkakataong mag-usap ng personal sina Defense Sec. Voltaire Gazmin at ang kanyang counterpart na si US Defense Sec. Ash Carter sa ginanap na Association of Southeast Asian Nation Defense Ministers’ Meeting sa Kuala Lumpur Malaysia.
Sinabi ni Pentagon Press Sec. Peter Cook na muling ipinararating ni US President Barack Obama ang kanyang “iron-clad” support para sa kampanya ng bansa sa mga pinag-aagawang teritoryo sa rehiyon.
Binanggit din ng nasabing opisyal na tuloy ang pagbibigay ayuda ng U.S sa isinusulong na Philippine Air Force modernization. Naganap ang nasabing pulong ilang araw makaraang maglayag malapit sa reclamation project ng China ang U.S destroyer na USS Lassen.
Nauna na ring nakapuntos ang Pilipinas sa China makaraang sabihin ng U.N na may hurisdiksyon ang Permanent Court of Arbitration sa reklamo ng bansa laban sa naturang reclamation project.