Naghain ng omnibus motion for reconsideration si Senator Antonio Trillanes IV sa Makati Regional Trial Court Branch 150 para sa kasong rebelyon.
Gusto ni Trillanes na baligtarin ni Judge Elmo Alameda ang pagpapalabas nito ng warrant of arrest laban sa kanya.
Inihirit din ng senador na magtakda ng pagdinig ang hukuman para makapagharap sila ng mga testigo at makapagsumite ng mga ebidensiya.
Ito ay para maresolba muna ang isyu sa pagpapawalang bisa sa ibinigay sa kanyang amnestiya noong 2011 sa pamamamagitan ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa 20 pahinang mosyon, iginiit ni Trillanes na nakasunod siya sa lahat ng proseso at requirement kayat siya ay nabigyan ng amnesty ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Magugunita na noong Setyembre 25, pinaboran ni Alameda ang petisyon ng DOJ at naglabas ito ng alias warrant of arrest laban sa senador.
Nag-ugat ang kasong rebelyon ni Trillanes sa Manila Peninsula siege noong 2007.
Agad din naglagak ng P200,000 piyansa si Trillanes para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nagtakda na ang korte ng pagdinig sa mosyon ni Trillanes.