Pagpapalawig sa sakop ng anti-sexual harassment law aprubado na sa 2nd reading ng Kamara
Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala na nagpapalawak ng sakop ng batas laban sa sexual harassment.
Aamyendahan ng House Bill 8244 ang Republic Act 7877 o anti-sexual harassment act.
Sa ilalim nito mapaparusahan ang sexual harassment na ginawa physically, verbally o visually gamit ang internet o iba pang teknolohiya sa loob o labas man ng lugar ng trabaho, paaralan o training institutions.
Kapag naging batas, mananagot dito ang mga person in authority na mag-hire, magbigay ng pabor sa trabaho gaya ng appointment, promosyon o benepisyo at kumpensasyon kapalit ng sexual favor.
Gayundin ang sinuman na mangbabastos sa kasamahan sa opisina o mang-iinsulto sa katrabaho dahil sa sexual orientation nito…pati ang indibidwal na mangsusulsol o mangungunsinto sa sexual harassment ng iba.
Ang mga boss na hindi aaksyon sa nalalamang kaso ng sexual harassment ay pinapanagot na din lalo na kung lantaran ang ganitong insidente sa pinamumunuang tanggapan.
Inaatasan sa ilalim ng house bill 8244 ang mga kumpanya at tanggapan na magpatupad ng polisiya laban sa sexual harassment na nagdedetalye ng proseso mula sa imbestigasyon ng ganitong kaso hanggang sa pagpapataw ng parusa.
Pinagtatatag din ito ng committee on decorum na magsisiyasat sa sexual harassment cases.
Nakasaad din dito na kailangang confidential ang pagkakakilanlan sa biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.