Biyahe ng MRT-3 nagkaproblema, pila ng mga pasahero, humaba

Maagang naperwisyo na naman ang mga pasahero ng Metro Rail Transit – 3.

Humaba ang pila sa mga istasyon ng tren at tumagal ng higit isang oras sa pila ang mga pasahero.

Sa abiso ng MRT-3, alas 6:51 ng umaga ay nagkaroon ng technical problem sa riles sa pagitan ng Guadalupe at Boni stations.

Kinailangan umanong magpadala ng tauhan sa lugar para mag-inspeksyon at kailangan ding pahintuin saglit ang andar ng mga tren.

Alas 7:28 naman ng umaga nang maiayos ang problema at maibalik ang normal na biyahe ng mga tren.

Pero dahil sa aberya, humaba na ang pila ng mga pasahero sa mga istasyon.

Maliban dito, sinabi ng MRT na 13 tren lang nila ang operational at bumibiyahe.

Nagalit din ang mga pasahero dahil alas 8:20 na ng umaga nang ilabas ng MRT ang abiso.

 

Read more...