2 IED nakuha sa magkahiwalay na lugar sa Maguindanao

Napigilan ng mga sundalo ang pagsabog ng dalawang improvised explosive device (IED) sa magkahiwalay na lugar sa Maguindanao.

Unang na-deactivate ng mga miyembro ng Bravo Company ng 90th Infantry Battalion at mga elemento ng Guindulungan Municipal Police ang isang IED sa Barangay Macasampen sa bayan ng Guindulungan, Martes ng gabi.

Bukod sa IED ay narekober din ng mga otoridad sa lugar ang apat na 91mm motrar, isang 61mm mortar, dalawang cellphone, at mga wire.

Miyerkules naman ng umaga nang matagpuan ang ikalawang IED sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tamontaka.

Isang sibilyan ang dumulog sa mga otoridad matapos makita ang naturang pampasabog.

Narekober din ng mga miyembro ng Charlie Company ng 90th Infantry Battalion, 5th Special Forces Battalion, at Datu Odin Sinsuat Municipal Police ang isang 81mm projectile, isang booster, cellphone, at isang detonating cord.

Ayon kay 6th Infantry Division commander Major General Cirilito Sobejana, mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nagtanim ng dalawang IED upang maghasik ng takot sa lugar.

Payo nito sa publiko, manatiling nakaalerto at idulog agad sa mga otoridad sakaling may mapansin na kahina-hinalang bagay o tao sa kani-kanilang mga lugar.

Read more...