Pagsuspinde sa excise tax hindi sapat upang mapababa ang halaga ng oil products — DOF
Sinabi ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino na hindi sapat ang pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo upang bumaba ang presyo nito sa merkado.
Ito ay kasunod ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinag-iisipan niya ang pagpapatigil sa implementasyon ng excise tax upang masolusyunan ang patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañan, sinabi ni Lambino na kahit na matanggal ang excise tax ay mananatiling mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo dahil mula sa dating USD40 ay USD80 na per barrel ang halaga nito sa pandaigdigang merkado.
Dagdag pa nito, ang excise tax ay 25% lamang ng pagtaas ng presyo ng oil products.
Ani Lambino, sa kanyang pagkakaintindi sa pahayag ng pangulo, ang binabanggit nito ay ang P2 dagdag sa excise tax na nakatakdang ipatupad sa susunod na taon. Aniya, mayroon namang nakasaad na suspension mechanism na nakapaloob sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law upang ito ay maisakatuparan.
Aniya pa, posibleng walang agarang solusyon para sa publikong maapektuhan ng mataas na inflation dahil ang suspensyon sa excise tax ay maipatutupad lamang sa January 2019.
Ito ay dahil kailangang tatlong magkakasunod na buwang nasa USD80 per barrel ang presyo ng oil products sa world market upang suspendihin ang pagpapataw ng excise tax.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.