Kalakalan at terorismo, nasa agenda ng Duterte-Widodo meeting sa Indonesia
Tatalakayin nina Pangulong Rodrigo Duterte at Indonesian President Joko Widodo ang kalakalan at paglaban sa terorismo sa sidelines ng ASEAN Leaders’ Gathering sa Bali.
Ayon kay Philippine Ambassador to Indonesia Leehiong Tan Wee, ang trade at terrorism ang ilan sa maraming isyu na kinakaharap ng Pilipinas at Indonesia.
Nakikipag-usap aniya ang bansa sa Indonesia para sa kampanya laban sa terorismo lalo na sa Mindanao gayundin sa border ng dalawang bansa na Celebes Sea.
Noong nakaraang taon ay sinimulan na ng Pilipinas at Indonesia ang joint patrols sa Celebes Sea na layong palakasin ang seguridad lalo na laban sa mga Islamist militants.
Huling nagkita sina Duterte at Widodo sa 32nd ASEAN Summit noong Abril sa Singapore.
Samantala, kasama ng punong ehekutibo sa kanyang biyahe sa Bali ang ilan sa mga miyembro ng gabinete.
Batay sa Official Delegation List mula sa Malakanyang, kabilang sa delegasyon ay sina Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, Finance Sec. Carlos Dominguez, Budget Sec. Benjamin Diokno, NEDA director general Ernesto Pernia, Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go at PCOO Sec. Martin Andanar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.