Balik sa committee level ng Kamara ang draft federal charter na may probisyong nag-aalis kay Vice President Leni Robredo sa “line of succession” o kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa sesyon ng Mababang Kapulungan Huwebes ng hapon (October 10), nagpasyang ibalik sa House Committee on Constitutional Amendments ang naturang draft.
Ito’y makaraang aprubahan ang mosyon ni Cebu City Rep. Raul Del Mar na isauli sa komite ang Resolution of Both Houses No. 15 upang linawin ang isyu ng line of succession.
Katwiran ni Del Mar, layon ng kanyang mosyon na isaayos at klaruhin ang mga amyenda lalo na ang kabiguaang isama ang bise presidente sa line of succession o unang kapalit ni Pangulong Duterte sakaling may masamang mangyari sa kanya o hindi na magampanan ang trabaho.
At dahil walang objections mula sa mga present na mga kongresista sa plenaryo, naaprubahan ang mosyon ni Del Mar.
Sinabi naman ni House Majority Leader Rolando Andaya na ang mayorya sa Kamara ay maghahain ng amendya sa komite “at the proper time.”
Naging kontrobersyal ang draft federal charter dahil nakasaad dito na itsapwera si Robredo para humalili kay Duterte, at sa halip ay ang Senate President ang aakto bilang pangulo hanggang may mapili bagong presidente.
Inalmahan ito ng mga taga-oposisyon, at maski si Robredo ay pumalag.