Nanggahasa umano ng isang babaeng Chinese ang nasibak na PDEA Deputy Director General for Administration na si Ismael Gonzales Fajardo Jr., batay sa intelligence report na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa pagrecyle ng mga nakukumpiskang ilegal na droga sa bansa, naaresto at nang-rape rin si Fajardo.
Sa intel report din ng presidente na ipinamahagi sa Malacanang Press Corps, inaresto ng National Bureau of Investigation o NBI si Fajardo noong December 2016 kasama ang kanyang kasintahan dahil sa kasong drug peddling.
Gayunman, hindi na itinuloy ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban kay Fajardo dahil sa kortesiya sa kapwa enforcer.
Nakasaad din sa report na nakialam ang PDEA leadership sa kaso ni Fajardo.
Nabatid na si dating PDEA Director General Isidro Lapeña ang nakaupong pinuno sa ahensya noong December 2016.
Ayon pa sa intel report, may isang Chinese na lalaki ang naaresto ni Fajardo.
Nangako raw si Fajardo na susuportahan ang naarestong Chinese subalit kalauna’y nakarelasyon ng ex-PDEA official ang asawa ng banyaga at humantong sa panggagahasa.
Napag-alaman na ang babaeng na-rape ang may-ari ng kulay itim na bullet proof Toyota Land Cruiser Prado na ginagamit ni Fajardo.
Base sa Statement of Assets and Liabilities and Networth o SALN ni Fajardo noong December 2014, nasa P7.8 million lamang ang kanyang declared total networth gayung may mga pag-aari siyang lupa at bahay sa Sta. Rosa, Laguna; sa Quezon City; at Subic, Zambales na hindi bababa sa isandaang milyong piso.
Si Fajardo rin ang may-ari ng Elyse Maison Event place and Private Resort sa Beverly Hills Subdivision sa boundary ng Taytay, Rizal at Antipolo City.