7 mula sa 10 Pinoy, sang-ayon na may fake news sa social media – Pulse Asia
Pito mula sa sampung Pilipino ang naniniwalang may “fake news” sa social media, batay sa latest survey ng Pulse Asia.
Sa Ulat ng Bayan national survey na isinagawa mula September 1 hanggang 7, 2018, tinanong ang mga 1,800 respondents ng “kayo ba ay nakarinig, nakabasa o nakapanood na ng fake news sa social media,” at lumabas na 88% ng mga ito ang sumang-ayon habang 12% lamang ang wala raw alam na fake news.
Lumabas din sa survey na 79% ng mga respondent ang naniniwalang laganap ang fake news sa social media, samantalang 12% ang undecided at 9% ang “disagree” ang tugon.
Pagdating sa awareness level sa fake news sa social media, naitala ang pinakamataas na porsyento sa Metro Manila sa 93%, habang 87% sa Luzon at 84% sa Mindanao.
Base pa sa Pulse Asia survey, mataas din bilang ng mga naniniwalang ang social media ay pugad ng fakenews, kung saan naitala ang 80% sa Visayas, 79% sa balances Luzon at 78% sa National Capital Region at Mindanao.
Samantala, nang tanungin naman ang respondents kung “nagbago ba kailanman ang pananaw tungkol sa politika at pamahalaan o isyung panlipunan dahil sa nakita sa social media o hindi,” lumabas na 57% ang nagsabing “yes” habang 49% ang nagsabing “no.”
Isinagawa ang naturang survey sa panahon kung saan naging headline ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV, at sinabi ng presidente na hotbed ng droga ang Naga City, na hometown ni Vice President Leni Robredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.