VP Robredo, tinawag na desperado ang draft federal charter ng Kamara
Tinawag ni Vice President Leni Robredo na desperado ang draft federal charter sa Kamara na nag-iitsapwera sa kanya sa “line of succession” o makakapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling may mangyari rito o hindi na magampanan ang trabaho.
Aniya, iniisip na lamang umano ng mga kalaban ay kung papaano siya matatanggal sa pwesto.
Ayon pa kay Robredo, medyo nakakatawa ang pahayag ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Vicente Veloso na kaya raw inilagay ang naturang probisyon sa panukala ay hindi raw kasi alam kung sino ang tunay na vice president dahil sa electoral protest.
Ang tinutukoy ni Robredo ay ang protesta na isinampa ni dating Senador Bongbong Marcos laban sa kanya na dinidinig pa sa Korte Suprema.
Paalala ni Robredo, mayroon ding nakahaing electoral protest laban kay Marcos.
Giit pa ni VP Leni, hindi niya hahayaan na makagambala sa kanyang mandato ang naturang protesta.
Aniya, bilang pangalawang pangulo ay mandato niya na kung mayroong mangyari sa presidente, siya ang hahalili.
Ikinalugod naman ni Robredo na nagsalita na ang ilang kongresista at mga senador, at maski si Senate President Vicente “Tito” Sotto na nagsabing hindi makakalusot sa Senado ang isinusulong na proposal ng Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.