Ito ang tanong ko dahil sa nabalitaan ko na may pulong tungkol sa Barangay Anti-Drugs Council (BDAC) sa 5th District ng Leyte na si Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño ang pangunahing tagapagsalita na imbitado ang nasa 364 barangay captains ng buong distrito pero anim na barangay captains lang ang dumalo.
Si Diño ba ang iniwasan nila o ang pinupukpok nitong pagsusumite nila ng report sa kani-kanilang BDAC sa tanggapan ng DILG? Sa nasabi kasing pulong sinabi at ipinaalala ni Diño na nauna nang inanunsiyong deadline tungkol sa submission ng report ng bawat barangay kaugnay ng BDAC. Ang deadline ay sa October 30, 2018. Ipinaalala ni Diño sa kakarampot na dumalong barangay captains ng 5th District ng Leyte na kapag hindi sila nagsumite ng report tungkol sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga ay magsisimula nang magsampa ng kasong administratibo ang DILG laban sa mga Barangay Captains.
May pinagmumulan ang babalang ito ni Diño. Bakit? It is because non-compliance with the BDAC provision in RA 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 carries with it both administrative and criminal liabilities. Ito ba ang kanilang iniiwasan?
Kanina lang umaga, sa aming programang Banner Story sa Radyo Inquirer at Inquirer 990 TV, nakausap ko si Chief Superintendent Benigno Durana Jr. at sinabi nitong higit sa pitong libong barangay ang nasa areas of concern ngayong darating na eleksiyon. Karamihan sa mga barangay na ito, pinaniniwalaang may umiiral na problema sa ilegal na droga. Bago pa ang simula ng election period, ang DILG, sa pamamagitan din ni Diño ay nagsabing, libu-libong barangay pa rin ang talamak ang problema sa ilegal na droga.
Balik sa kuwentong nasagap ko sa Region 8. Medyo nagsalita na si Diño. Ang sabi niya, ang non-attendance ng mga barangay captains ay “epekto ng narco-politics”. Kaunting google. Anu-ano ba ang mga bayan na sakop ng District 5 ng Leyte? Included in the jurisdiction of Leyte’s District 5 are the towns of Javier, Baybay, Abuyog, Mahaplag, Inopacan, Hindang, Hilongos, Bato at Matalom. Ang District 5 ng Leyte ay bahagi ng Region 8.
Nakalimutan ninyo na ba ang expose tungkol sa operasyon ng illegal drugs sa Region 8 ni Kerwin Espinosa? Ang bayan ni Kerwin na Albuera ay hindi bahagi ng District 5 ngunit katabing bayan ng bayan ng Baybay na kung saan isinagawa ang DILG meeting tungkol sa BDAC. It is interesting to note that aside from Albuera in Leyte, the town of Baybay was also mentioned as among the areas where Espinosa’s illegal drugs trade operated or maybe I should say, still operates.
Tinawagan ko si Chief Inspector Jovie Espenido. Ako kasi, pag may gustong malaman, ang ginagawa ko, ano pa nga ba kundi ang magtanong at magusisa? Simple lang ang tanong ko, “Sir, kumusta nga pala ang illegal drugs trade sa Region 8 pagkatapos ni Kerwin Espinosa, tuloy pa ba?” Ang sagot ni Espenido, ‘Lyn, tuloy ang grupo ni Espinosa, tuloy-tuloy lang sila at hindi lang sa Albuera, pati sa ibang bayan sa Region 8.” Sandali lang ang paguusap namin ni Espenido dahil sa nasa biyahe daw ito. I will call him again and we will talk some more.
Now back sa kuwento ng meeting sa BDAC na inisnab ng mga barangay captains sa District 5 ng Leyte.
Bukod kay Diño, dumalo rin ang Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Edgar Juday. May question and answer, part ng open forum, at sa isa sa mga tanong sa kanya ay kung nagsagawa ba daw ito ng beripikasyon sa mga lokal na opisyal sa Region 8 na minsan nang nasangkot ang pangalan sa ilegal na droga. Binanggit ang pangalan ng isang lokal na opisyal, ang vice mayor mismo ng bayan ng Baybay, at ang sagot ni Juday, “Hindi lang siya ang bineberipika namin, kundi iba pang mga lokal na opisyal ng Region 8.” The statement of Espenido and Juday talks about the same thing—the illegal drugs trade linked to Kerwin Espinosa.
Noong pinapaliwanag sa akin noon ni Wilkins Villanueva ang pyramid approach sa kampanya laban sa illegal drugs trade, ang baba, o ang pundasyon ang unang binubuwag—meaning—yung nasa baba, yung mga maliliit, yung nasa baba ng supply chain. Nagawa na nila. Nakita na natin ang madugong laban sa droga na pawang maliliit ang mga nabiktima.
Matagal bago nasundan ang pagpilay sa mga grupong tulad ng kay Kerwin Espinosa. At nang simulan nang PDEA tulad ng ginawa sa Lanao Del Sur na kung saan ilang lokal na opisyal ang naaresto dahil sa ilegal na droga, naging malupit at madugo ang ganti sa PDEA.
Ngayon, tanong uli, ang pag-iwas ba ng mga barangay officials sa pagdalo sa meeting na andun ang DILG Undersecretary para pag-usapan ang tungkol sa BDAC o ang kampanya sa illegal drugs ay dahil sa takot nila sa sindikato ng ilegal na droga o dahil sa proteksiyon, kundi man direktang kaugnayan nila sa ilegal na droga?
Idagdag mo pa ang statement recently ni PDEA Director Aaron Aquino na bumabaha muli ng illegal drugs sa mga lansangan hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang rehiyon ng bansa.
Nakapanlulumo. Nakagagalit. ‘Ka Pikon na ha!
Hindi ibig sabihin wala tayong magagawa. Ang nalalapit na eleksiyon ay isang mainam na pagkakataon na ipadama ng mga botante ang kanilang pagkasuklam sa lahat ng nasa likod ng illegal drugs.
Tama si Diño. Sa payak na pulong na iyon, nakita kung ano ang puwedeng maging kilos ng mga komunidad na nababahiran, kundi man tuluyan nang nalugmok sa problema ng ilegal na droga.