6 na drug suspek patay sa operasyon sa Rizal
Nasawi ang anim na mga drug suspek matapos makipagbarilan sa mga otoridad sa Barangay San Isidro, sa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Nakilala lamang ang dalawa sa mga napaslang na suspek sa alyas na Henry at Atan. Habang ang apat na iba pa ay wala pang pagkakakilanlan.
Napag-alaman na ang mga ito ay miyembro ng Waray-Waray Group at si alyas Henry ang kanilang pinuno.
Ayon kay Rizal Provincial Police director, Police Senior Superintendent Lou Evangelista, nagkasa ng drug buy bust operation ang mga elemento ng Rizal Police – Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa pinagkukutaan ng mga suspek.
Nauwi sa engkwentro ang operasyon, dahilan upang masawi ang mga miyembro ng grupo.
Bukod sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot ay sangkot din ang grupo sa gun for hire at mga insidente ng carnapping at pagnanakaw. Nag-ooperate umano ang mga ito sa lalawigan ng Rizal, maging sa mga kalapit na lungsod sa Metro Manila.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang ilang mga baril tulad ng isang kalibre 45, isang kalibre 40, isang 9mm, at tatlong kalibre 38 revolver.
Bukod pa dito ang nakuhang granada at 70 sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.