Welcome sa North Korea si Pope Francis.
Ito ang sinabi mismo ni North Korean leader Kim Jong Un kay South Korean President Moon Jae-in sa kanilang nakalipas na summit.
Ayon sa tagapagsalita ni Moon na si Kim Eui-kyeom, sa pagbisita nito sa Vatican ay personal na ipararating ni Moon sa Santo Papa ang kagustuhan ni Kim na bisitahin ni Pope Francis ang North Korea.
Nakatakdang pumunta sa Vatican si Moon mula October 17 hanggang 18, bilang bahagi ng kanyang nine-day tour sa Europa. Kabilang sa kanyang bibisitahin ang mga bansang France, Italy, at Denmark.
Samantala, tumanggi naman ang tagapagsalita ng Vatican na si Greg Burke na magkomento ukol sa posibleng pagbisita ni Pope Francis sa NoKor. Aniya, hihintayin muna nila ang opisyal na imbitasyon ng lider ng Pyongyang.
Batay sa datos, karamihan ng mga North Koreans ay walang pinapaniwalaang relihiyon at 1.7% lamang o 800 hanggang 3,000 katao ang mga Katoliko.