Lalaki patay sa pamamaril sa Caloocan City

Nasawi ang isang lalaki matapos itong walang habas na pagbabarilin sa labas ng kanyang bahay sa Barangay 171, Bagumbong, Caloocan City.

Kinilala ang biktima na si Armadno Purcia, 37 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob ng kanilang bahay ang asawa ng biktima nang bigla itong makarinig ng magkakasunod na putok ng baril.

Paglabas niya sa kanilang bahay ay doon na niya nakita ang walang buhay at duguan na katawan ni Purcia na nakahandusay sa kalsada.

Hindi na nakita pa ng misis ng biktima ang salarin na agad tumakas matapos ang insidente.

Narekober ng SOCO mula sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong basyo ng 9mm na baril.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad tungkol sa motibo ng pamamaslang kaya naman nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.

Read more...