Bilang ng pamilyang nagsabing sila ay mahirap, lumobo sa 52% ayon sa SWS

By Rhommel Balasbas October 10, 2018 - 12:47 AM

Pumalo sa 52 percent o nasa tinatayang 12.2 milyong pamilyang Filipino ang itinuturing ang kanilang sarili bilang ‘mahirap’ batay sa resulta ng 3rd quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas kagabi.

Mas mataas ang naturang bilang sa 48 percent o 11.1 milyong pamilya na naitala noong Hunyo 2018.

Ang self-rated poverty para sa buwan ng Setyembre ay ang pinakamataas simula noong December 2014 na mayroon ding 52 percent.

Pinakamamalaki ang naitalang pagtaas sa self-rated poverty sa Balance Luzon sa 12 percent o mula 35 percent ay ngayo’y nasa 47 percent; 5 percent ang itinaas sa Mindanao o mula 60 percent na ngayon ay 65 percent na; habang hindi naman nagbago sa Visayas sa 67 percent; at ang Metro Manila ay nagtala ng record-low na 26 percent mula sa 43 percent noong Hunyo.

Lumalabas naman sa Self-Rated Poverty Threshold (SRPT) na kailangan ng mga pamilya kada buwan ng P15,000 sa Metro Manila, P15,000 sa Balance Luzon, P10,000 sa Visayas at P10,000 sa Mindanao para hindi maikonsidera ang sarili bilang mahirap.

Samantala, umakyat din sa 36 percent o 8.5 milyong Filipino ang nagsabing sila ay food-poor o salat sa pagkain.

Mas mataas ito ng 2 percent mula sa 34 percent o 7.8 milyong Filipino noong June 2018 na pinakamataas din na naitala mula noong Hunyo 2015.

Isinagawa ang SWS survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Filipino adults sa buong bansa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.