Pang. Duterte, naghahanap ng isang “Chinese” para maging pinuno ng NFA
Naghahanap si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang “Chinese” na ipupwesto sa National Food Authority o NFA.
Sa pagharap ng presidente sa media, sinabi niyang naghahanap siya ng isang Chinese rice trader na nasa negosyo na sa loob ng dalawampung taon.
Nauna nang ikinunsidera ni Duterte ang magreretirong si Army Chief Rolly Bautista bilang pinuno ng NFA, pero nagpasya ang punong ehekutibo na ipuwesto na lamang ang military official sa DSWD.
Nang hingin naman ng Inquirer.net ang paglilinaw sa pahayag ni Duterte, sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na “Filipino-Chinese” ang maaaring ibig-sabihin ng pangulo.
Sinabi noon ng presidente na naghahanap na siya ng kapalit ni Jason Aquino matapos nitong hilingin na makaalis na bilang NFA chief, sa kasagsagan ng mga isyu ng krisis sa bigas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.