Mga residente sa Florida, pinalilikas na sa inaasahang pagtama ng Hurricane Michael
Ipinag-utos na ni Florida governor Rick Scott sa National Guard troops ang pag-evacuate sa mga residente ng Gulf Coast dahil sa inaasahang pagtama ng Hurricane Michael bukas, araw ng Miyerkules.
Ito ay kasunod ng pagdeklara ni Scott ng state of emergency sa mahigit 20 counties sa Florida Panhandle at Big Bend.
Aabot sa mahigit 5,000 na National Guard soldiers ang ipinakalat para maging alerto sa lugar.
Sa kaniyang Twitter account, sinabi ni Scott na ngayong araw dapat magplano dahil magiging huli na kung bukas pa paghahandaan ang bagyo.
Samantala, ayon sa ilang state official, posibleng lumakas pa ang bagyo at umabot sa Category 3 dahil sa taglay nitong lakas ng hangin na aabot sa 160 kilometers per hour.
Ito na anila ang isa sa mga pinakamalakas na bagyong tatama sa Florida Panhandle.
Sinabi ng US National Hurricane Center (NHC) na posibleng magbuhos ang bagyo ng 30 centimeters na tubig-ulan at storm surges na aabot sa 3.7 meters.
Sa ngayon, nananatili pa ang Hurricane Michael sa Category 1.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.