Operating hours ng mga mall sa Metro Manila inurong

Bilang paghahanda sa inaasahang paglala ng sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila dahil sa Christmas season ay iniurong ng isang oras ang operasyon ng mga mall.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia, alas-11 na ng umaga magbubukas ang mga mall na nasa kahabaan ng EDSA, Libis at Commonweath Avenue sa Quezon City, at Marcos Highway sa Marikina City.

Ito aniya ay magsisimula sa November 5 hanggang January 14 sa susunod na taon.

Dagdag pa ni Garcia, pumayag ang mga mall operators na magdadag ng seguridad sa kanilang mga vehicle entrance, tanggalin ang anumang mga nakahambalang sa loading at unloading stations, at limitahan ang delivery ng mga non-perishable items sa pagitan ng alas-11 ng gabi at alas-5 ng umaga.

Umaasa si Garcia na sa pamamagitan nito ay mababawasan ng nasa 1,500 na mga sasakyan ang dumadaan sa mga pangunahing kalsada kapag rush hour sa umaga.

Samantala, naglabas na rin ang MMDA ng moratorium para sa pagsuspinde sa mga ginagawang road projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi kabilang ang “Build, Build, Build” projects.

Read more...