P1M kush narekober sa drug operation sa Pasig City

Arestado ang dalawang tulak ng ipinagbabawal na droga matapos magkasa ng buy bust operation ang mga pulis sa Barangay Caniogan, Pasig City.

Nakilala ang mga suspek na sina Carlitos Johanne Arpilleda, alyas CJ, at Jayson Peralta.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 5 chief, Superintendent Igmedio Bernaldez, naaresto ang dalawa matapos ituro ng naunang naarestong drug suspek na si King Jacob Biyuin.

Narekober mula sa mga tulak ng droga ang high grade marijuana o kush na tinatayang nagkakahalaga ng P1 milyon.

Pag-amin ni Arpilleda, nanggaling sa Hong Kong ang kanyang supply ng kush. Ibinibenta niya aniya ang mga ito online.

Dagdag pa ng suspek, ipinadadala sa kanya ang high grade marijuana sa pamamagitan ng courier service.

Samantala, ayon naman kay Bernaldez, napag-alaman nilang mga mayayamang mag-aaral ang parokyano ng mga suspek.

Mahaharap sina Arpilleda at Peralta sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...