VP Robredo, hinimok ang pamahalaan na suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo
Nakiisa na rin si Vice President Leni Robredo sa mga humihimok sa pamahalaang suspendihin na ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa pangalawang pangulo, umaasa siyang hindi na ipapataw pa ang ikalawang bugso ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law dahil magiging dagdag pahirap pa ito sa taumbayan.
Aniya pa, noon pang nakaraang buwan ng Setyembre ay nagsimula nang imungkahi ng iba’t ibang mga grupo ang pagsususpinde sa excise tax.
Nauna nang hinimok ni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte na i-certy as urgent ang BawasPresyo Bill na naglalayong suspendihin ang excise tax sa ilalim ng TRAIN Law upang mapigilan ang patuloy na paglobo ng inflation rate sa bansa.
Nitong nakaraang linggo lamang ay umabot na sa USD80.8 per barrel na ang presyo ng produktong petrolyo na nagresulta sa P59 hanggang P62 na halaga ng bawat litro ng gasolina at P47.95 hanggang P50.75 kada litro ng diesel. Ngunit bukod pa dito ang P2 excise tax dahil sa tax reform law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.