Presyo ng harina, posibleng tumaas

Nagbabala ang Philippine Association of Flour Millers Inc. (PAFMIL) sa posiblidad ng pagtaas ng presyo ng harina at mga flour-based food.

Ayon kay PAFMIL Executive Director Ric Pinca, ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng wheat o trigo sa pandaigdigang merkado.

Aniya, mula sa dating P670 hanggang P700 kada sako ng hard flour ay tumaas na ito sa P730 hanggang P750. Ang soft flour naman ay nasa P600 hanggang P630 bawat sako mula sa dating P570 hanggang P600.

Paliwanag ni Pinca, ang pagtaas ng presyo ng trigo sa world market ay dahil sa nararanasang tagtuyot sa mga bansang pinagkukuhanan nito.

Kabilang sa mga bansang bumaba ang aning trigo ay Russia, Kazakhstan, Ukraine, at Australia.

Samantala, tiniyak naman ni Pinca na walang kakulangan at hindi magkakaroon ng kakulangan sa supply ng harina sa bansa.

Dahil aniya sa posibleng pagtaas ng presyo ng harina ay magkakaroon din ng adjustment sa presyo ng mga flour-based products kagaya ng instant noodles, lumpia wrapper, maging tinapay.

Read more...