Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, inaprubahan ng National Food Authority (NFA) at Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pag-aangkat ng bigas at asukal ng mga retailers at traders.
Paglilinaw ng kalihim, papayagan lamang ito kung matitiyak ng mga retailers at traders na maipapako nila ang presyo ng well-milled rice at refined sugar sa itinakdang presyo ng DTI; P38 para sa bawat kilo ng bigas at P50 kada kilo para naman sa asukal.
Pumayag din aniya ang NFA na mag-angkat ang mga retailers at traders ng hanggang sa 350,000 metriko toneladang bigas.
Dagdag pa ni Lopez, nais ng malalaking supermarket, kagaya ng Robinsons at Puregold, na makiisa sa naturang programa.
Aniya pa, nakikipag-usap na rin ang DTI sa Philippine Consumer Centric Traders Association na isang grupo ng mga supermarket operators, upang makibahagi rin sa price setting scheme ng bigas.
Samantala, sinabi naman ng kalihim na magkakaroon ng kasunduan ang DTI at Department of Agriculture (DA) upang ma-adjust din ang price ceiling ng manok. Ilalabas aniya ito sa darating na tatlong araw.
Paliwanag ni Lopez, ang ‘moving price ceiling scheme’ para sa manok ay magtatakda ng maximum na P50 dagdag sa bawat kilo mula sa farm gate price hanggang sa presyo nito sa mga palengke.