Hindi si Vice President Leni Robredo ang susunod na lider ng bansa kung pagbabatayan ang draft na ginawa ng liderato ng Kamara kaugnay sa pagsusulong ng federal form of government.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ipinaliwanag ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Vicente “Ching” Veloso na sadya nilang isinunod sa “transitory provision” ang Senate President imbes na Vice President.
Sa ngayon kasi ay wala pang pinal na desisyon ang Mataas na Hukuman sa kung sino ba talaga kina Robredo at dating Sen. Bongbong Marcos ang tunay na nanalong pangalawang pangulo.
Pero malinaw umano sa kanilang ginawang draft na pagkatapos ng 2022 elections ay ibabalik ang pangalawang pangulo sa linya ng transition.
Sa ating Saligang Batas ay ang pangalawang pangulo ang hahalili bilang lider ng bansa kapag ang pangulo ay inalis sa pwesto, nag-resign, namatay, o kaya naman ay walang kakayahang gampanan ang tungkulin dahil sa karamdaman.
Laman rin ng panukala ang pag-aalis sa term limit ng mga elected officials mula senador hanggang sa ng mga barangay officials.
Pero ang term limit ay mananatili sa posisyon ng pangulo at pangalawang pangulo.