SGMA: Publiko di dapat mag-panic sa kalusugan ng pangulo
Kumbinsido si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na hindi pa dapat maalarma ang publiko sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Speaker GMA, saka pa lamang dapat mangamba ang sambayanan kung ihahayag ni Duterte na mayroon itong seryosong sakit at nanganganib ang buhay.
Sa sinasabing growth sa sa kanyang digestive tract ng pangulo ayon kay SGMA saka lamang dapat ikabahala ng publiko kung ito ay life-threatening.
Siya rin anya ay nagkaroon din ng pre-cancerous polyps pero hindi ito nagtuloy sa kanya dahil kaagad din naalis ng kanyang mga doktor.
Base sa Article VII Section 12 ng 1987 Constitution dapat ipagbigay alam sa publiko kung mayroong seryosong karamdaman ang pangulo.
Nakasaad din sa Saligang Batas na ang miyembro ng gabinete na in-charge sa national security, ugnayang panlabas at chief of staff ng AFP ay hindi maaring pagbawalang makalapit sa pangulo kung may sakit ito.
Nauna nang lumutang ang balitang may sakit ang pangulo bago pa nito aminin na sumailalim siya ng isang oras na medical procedure sa Cardinal Santos Medical Center.
Bukod pa dito ang naglabasang larawan na naka face mask ito habang nasa Hong Kong kasama ang anak na si Kitty at common-law wife na si Honeylet Avancena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.