Lalo pang tumaas ang bilang ng mga nasawi sa lindol at tsunami na tumama sa Central Sulawesi, Indonesia.
Sa huling tala, 1,763 na ang death toll, habang mahigit 5,000 katao pa ang nananatiling nawawala.
Mahigit 8,000 naman ang mga nasugatan dahil sa naturang mga kalamidad.
Ayon kay Indonesian National Board for Disaster Management Spokesperson Sutopo Purwo Nugroho, patuloy na kinukumpirma ng mga otoridad ang bilang ng mga nawawala sa ilang mga lugar.
Ani Nugroho, pahirapan pa rin hanggang sa ngayon ang pagkuha sa mga bangkay ng mga nasawi dahil nabaon ang mga ito sa putik.
September 28 nang tumama ang magnitude 7.5 na lindol sa Sulawesi Island, na sinundan pa ng tsunami.
Dagdag pa ni Nugroho, target na ng pamahalaan ng Indonesia na itigil na ang kanilang retrieval operation sa Huwebes, October 11. Lahat ng mga unaccounted for sa panahong ito ay idedeklarang nawawala o ikukunsiderang patay na.