Mga turista, takot na takot mataniman ng bala sa mga paliparan

By Kathleen Betina Aenlle November 04, 2015 - 05:01 AM

 

Inquirer file photo

Takot at pag-aalala na ang naidulot sa mga turista ng mga kaso ng tanim-bala sa mga paliparan sa bansa partikular na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hindi na lang mga Filipinong biyahero ang nakikitaan ngayon ng tila may pagka-paranoid sa tuwing bibiyahe patungong ibang bansa o pabalik dito sa Pilipinas, kundi maging mga dayuhang turista.

Ayon kay Department of Tourism Undersecretary Maria Jasmin, bagaman hindi pa nagdudulot ng lamat sa turismo sa bansa ang mga kaso ng tanim-bala, kapansin-pansin na ang simula ng epekto nito sa mga dayuhan.

Tinatanong na rin sila ng mga dayuhang turista kung totoo nga ba ang mga nagaganap na insidente, kaya aniya, mahalagang maresolbahan na agad ang problemang ito.

Marami sa mga pasaherong dumarating sa mga paliparan ay nagtya-tyaga sa pila para lang maipabalot ang kanilang mga bagahe ng plastic upang matiyak na walang ibang makakagalaw sa kanilang mga gamit.

Bukod pa ito sa puspusang paglalagay ng lock sa mga zipper ng kanilang mga bags, at umaabot na rin sa puntong tinatahi na ito ng iba para siguradong walang maghahamak na maglagay ng bala sa kanilang gamit.

Samantala, nanawagan na rin si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay Pangulong Bemigno Aquino III na agad nang aksyunan ang nasabing problema.

Ani Duterte, hindi na sapat ang mga salita lang, bagkus ay dapat sibakin na ang mga opisyal at tauhang may kaugnayan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), pati na ang mga nasa porter services at drivers.

Sumosobra na aniya ang mga ito kaya dapat ay “yariin” na ng Pangulo ang mga ito dahil nasisira na ang pangalan ng bansa at napapahamak na ang mga Pilipino.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.