Paraisong itinuturing ng mga Lumad ang kanilang mga tahanan kabundukan sa Mindanao, kaya naman sabik na rin silang makabalik.
Ayon kay Bai Josephine Palaga, ang kanilang tahanan ay isang paraiso kung saan hindi mo kailangan ng pera para mabuhay dahil maaari kang magtanim ng iyong kakainin, at hindi nila kailangan ng kuryente.
Bukod doon, hindi rin nila kailangang maranasan ang polusyon at ingay dahil mapayapa ang kanilang lugar.
Ngunit, ang 37-anyos na si Palaga na isang pinuno ng mga katutubo sa rehiyon ng Caraga, ay nagdesisyon na samahan ang kaniyang mga katribo sa Maynila upang mas marinig ng pamahalaan ang kanilang apela na mapayapang makabalik sa kanilang mga lupang sinilangan.
Aminado si Palaga na matatagalan pa bago sila makabalik ng ligtas, ngunit iginiit niya na hindi nito mapipigil ang pakikipaglaban para sa kanilang karapatan.
Aniya, mahirap man, pasasaan ba’t magbubunga rin ng maganda ang kanilang paghihirap.
Naniniwala kasi sila na ang pag-likas ang kanilang protesta at hindi sila tuluyang makakahingi ng tulong kung mananatili lang sila doon.
Kasama ni Palaga ang nasa 700 na mga Lumad na pansamantalang namamalagi sa Liwasang Bonifacio sa Maynila simula pa noong November 1 para mag-protesta laban sa karahasan na kanilang nararanasan.
Nauna silang namalagi sa University of the Philippines – Diliman bago sila nag-martsa patungong Liwasang Bonifacio.