DOTr at LTFRB pumalag sa pagtawag ng mga transport group na kalokohan lang ang Pantawid Pasada Program

By Isa Avendaño-Umali, Justinne Punsalang October 07, 2018 - 06:24 PM

Kuha ni Jong Manlapaz

Unfair at misinformation.

Ganito inilarawan ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtawag ng ilang mga transport groups sa Pantawid Pasada Program bilang kalokohan lamang.

Sa isang joint statement, pinalagan ng dalawang ahensya ang naturang paratang ng mga transport groups.

Paliwanag ng dalawang ahensya ng pamahalaan, ang Pantawid Pasada Programs ay tulong ng gobyerno upang mabawasan ang mabigat na epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Dagdag pa ng DOTr at LTFRB, tinaasan na angminimum na pamasahe sa mga jeep at patuloy ang pag-aaral ng LTFRB sa panukalang taasan pa ang pasahe. Anila, hindi simple ang naturang isyu dahil milyun-milyong mga pasahero ang maapektuhan nito.

Paalala pa ng dalawang kagawaran, noong July 2008 kung kailan umabot ang presyo ng diesel sa P52, P8.50 lamang ang halaga ng pamasahe sa mga jeep.

Samantala, bilang tugon naman sa mga transport groups na nagbababalang magsasagawa ng Red October Strike, sinabi ng DOTr at LTFRB na hindi nila susuportahan ito. Titiyakin anila ng dalawang ahensya na mananatili at ipatutupad ang rule of law.

Nakasaad anila sa batas na ang pagkakaloob ng prangkisa ay mayroong kaakibat na responsibilidad sa publiko at ang paglabag dito ay posibleng magdulot ng karampatang parusa.

Ngunit hinimok naman ng dalawang ahensya ang mga transport groups na magkaroon ng dialogue upang mapag-usapan ang mga isyu.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.