LOOK: NCRPO chief, nakipagpulong sa pinuno ng CHED kaugnay sa isyu ng NPA recruitment sa mga unibersidad

Nakipagpulong si National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar sa pamunuan ng Commission on Higher Education o CHED, kaugnay sa alegasyon ng Armed Forces of the Philippines o AFP na ginagawang “recruitment grounds” ng CPP-NPA.

Nauna nang pinalutang ang AFP na nagrerecruit ang komunistang grupo ng mga estudyante sa ilang unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila upang maisakatuparan ang “Red October” o planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga litratong ibinahagi ni Eleazar, makikitang nakipag-pulong siya kay CHED Officer in Charge Prospero de Vera at Philippine National Police o PNP Spokesman Benigno Durana.

Ayon kay Eleazar, ang naturang meeting ay nangyari kagabi (October 6) at naging maayos naman ang kanilang pag-uusap.

Sinabi ng opisyal na ang labing walong pamantasan na nasa listahan ng AFP ay nasa NCR.

Kapag pinuntahan niya ang mga ito nang isa-isa, baka hindi magkaintindihan at mauwi pa sa gulo, kaya minarapat niyang kausapin na lamang ang pamunuan ng CHED.

Ani pa Eleazar, inatasan siya ni PNP Chief Oscar Albayalde na kumalap ng mga impormasyon ukol sa recruitment daw sa mga paaralan.

Sa ngayon ay patuloy na kumukuha ang NCRPO ng mga detalye at ebidensya at kinukumpirma ang impormasyon mula sa AFP.

Tiniyak naman ni Eleazar na poprotektahan nila ang karapatan ng mga estudyante gaya ng malayang pamamahayag o pagsasagawa ng mga rally.

 

Read more...