Duterte administration, hindi maramdaman sa mga palengke! sa “Wag kang pikon!” ni Jake J. Maderazo

By Jake J. Maderazo October 07, 2018 - 09:47 AM

Kung hindi magbabago ang oil price increase bukas , Martes may dagdag na namang P1.50/L sa diesel, panibagong P1/L sa gasoline at P1.40/L sa kerosene. Noong nakaraan, piso na ang dinagdag sa bawat litro ng gasolina, P1.35/L sa diesel at P1.10 sa kerosene o gaas. Ito ang pang-SIYAM na sunud-sunod na linggong may paggalaw sa presyo ng krudo.

Mula Enero hanggang Oktubre, P13.50/L na ang itinaas ng diesel at P13.37/L sa gasolina at P12.27/L sa kerosene dahil sa “lumilipad” na “world oil markets”. At kung ibabawas natin ang “excise taxes” ng TRAIN LAW na P2.50/L sa gasoline at P2.35/L sa diesel, lumilitaw na matinding P11/L sa gasoline at diesel ang suntok sa atin ng krisis.

Ito’y dahil ang inaangkat nating “Dubai crude” basehan ng mga presyo dito sa Pilipinas, ay lumipad mula $54.10/barrel noong October, 2017 sa $82.78/barrel nitong Sabado. Tumaas ito ng $28.68/barrel sa loob lang ng isang taon.

Lalo tayong napahirapan, dahil tumaas din ang “peso dollar exchange rate” mula P51.36 noong Enero sa P54.23 nitong nakaraang linggo. Humina ang mga “regional currencies” sa buong Asya kasama ang Pilipinas dahil sa paglakas ng US dollar at “tariff war” ng America laban sa China.

Kayat sa mga lansangan dito sa Metro Manila at karating pook, ang bentahan ay P62-66/L sa gasolina, at P50-54/L sa diesel.

Dahil dito, lumipad na rin ang 3.4% inflation rate noong Enero 2018 , at pumalo sa 6.4% noong Agosto at 6.7% nitong Setyembre.

Matindi talaga ang buhay ngayon, pero kapag sinuri ng husto, mas masahol pa ang problema ng bansa noong June 2008, panahon ni PGMA, na ang presyo ng langis ay halos $150 bawat bariles samantalang ang inflation rate ay pumalo ng 11.4%. Gayunman, nakaraos din tayong lahat.

Maraming paninisi, “political noises” ika nga, laban sa Duterte administration na lutasin ang tumataas na presyo ng mga bilihin. Noong Biyernes, inako ng Pangulo ang kasalanan at sinabing ang pagsugpo sa mataas na “inflation” ang kanyang prayoridad.

Hinihintay ko ngayon ang kamay na bakal sa mga “price manipulators” ng bigas, gulay,sili at iba pang pagkain. Hinihintay ko ang pag-aresto sa mga sakim na taong nag-mamaniobra ng mga presyo ng bilihin.

Sinong importer o negosyante ang maglalakas ng loob magmaniobra sa suplay kung walang basbas ng mga “corrupt” diyan sa Department of Agriculture, NFA, DTI , CUSTOMS at Malakanyang?

Sinong biyahero at manininda ang magtataas ng presyo ng produkto kung nagbabantay lahat ng opisyal, lokal man o national government? TULOG ba ang mga “ Local PRICE councils” at ang National Price Coordination Council (NPCC) ?

Mr. President , naiintindihan ng taumbayan na “skyrocketing world oil prices” ang nagdudulot ng mga pagtaas ng presyo ng krudo at mga bilihin, pero huwag naman kayong matulog sa pansitan.

Iutos niyo lang na ihinto ang mga kawalanghiyaan diyan sa ating mga palengke at tiyak may mangyayari. Pero, hindi magagawa iyan kung patuloy ang pagwawalang bahala ng mga city mayor at municipal mayor lalo na ang mga appointees nilang “city market and municipal market administrators”. Ang kaso nga, eleksyon na naman kayat walang galawan! (end)

TAGS: Wag kang Pikon ni Jake Maderazo, Wag kang Pikon ni Jake Maderazo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.