Mariing itinanggi ni Senador Grace Poe na umatras na siya sa 2016 presidential elections.
Ito’y taliwas sa unang lumutang na mga email na kumalat na nagmula umano sa senador na nagsasabing hindi na niya itutuloy ang pagtakbo bilang Presidente sa susunod na eleksyon.
Sa naturang email na ipinakalat ng isa umanong Liza Cabigting gamit ang address na [email protected], sinabi na ang mga disqualification case umano ang dahilan ng kanyang pag-atras.
“Sa lahat ng nagmamahal sa akin, nais ko pong ipabatid sa inyo na hindi na po ako tatakbo sa pagkapangulo sa halalang darating. Masakit sa akin ang desisyong ito ngunit kailangan kong gawin ito para na rin sa aking pamilya at mga mahal sa buhay. Masakit sa aking iwan kayo, ngunit kailangan kong tawirin ang suliraning ito para sa ikatatahimik ng ating bayan. Sa pagwawakas, nais kong bigyan diin na ikinararangal kong ako ay isang tunay na Pilipino,” paglalahad pa ng naturang email.
Giit ni Poe, walang katotohanan ang naturang mensahe.
“May nagsabi sa akin at pinakita ng kopya ng isang liham na pinapadadala online na diumano ako raw ay umatras na sa labanang ito, wala pong katotohanan yan. Sa katotohanan nga po patuloy ang aming pagtatrabaho para maihatid ang mensahe kung ano ang magagawa natin para makatulong sa ating mga kababayan,” paliwanag ng senadora.
Wala namang balak ang mambabatas na paimbestigahan kung kanino nanggaling ang naturang email na ipinadala sa mga mamamahayag sa pagsasabing magiging aksaya lamang ito ng kanyang panahon.
Binigyang diin pa ng senadora na malakas ang kanyang depensa sa mga disqualification case kaya’t walang dahilan upang umatras ito sa laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.